Friday, September 12, 2008

Text Message Sa Madaling Araw

Naalimpungatan ako sa oras na iyon. Maaliwalas ang paligid. Nakabukas ang may hugis-avocado na may kadilawan na ilaw. Binabalot ang paligid ng ingay ng bentilador na nakaharap sa akin buong gabi.  Dinig na dinig ko rin ang bawat ingay na namumuo sa paligid.

Gusto kong uminom ng tubig. Gusto kong buhusan ng isang  baldeng tubig na malamig na may halong yelo ang aking katawan. Hindi ko kayang itayo ito. Ramdam na ramdan ko ang kabigatan at katamaran ng aking katawan. Dahan-dahan akong tumagilid sa higaan upang maiwasan ang ilaw na nanunuot sa aking mga mata.
Napansin ko ang aking selpon  sa tabi. Kumikislap-kislap ang kulay berde na palatandaan na may natanggap na mensahe.  Kinapa ko ang selpon.  Pinindot ko ang "Yes" sa screen nito.  Hindi ko mabasa ang buong mensahe ngunit may parte ng mensahe ang natuonan ko ng pansin. Isa itong buong pangalan. Pangalan na ni hindi ko man lang kilala. Wala akong ideya kung sino ang taong iyon. MARIA MAGSAYSAY.  Mga ilang saglit lang hindi na ako makagalaw. Gusto kong tumagilid ulit ngunit may taong humahawak sa aking katawan. Ako lang namang mag-isa sa silid at nakabukas pa ang ilaw. Ito ba kaya si Mariang kababasa ko lang sa aking selpon?  Wala akong ideya kung sino ang taong ito. Gusto niya akong idiin ng todo hanggang sa di na  ako maka-galaw. Gusto kong lumaban. Naumid na ako. Gusto kong sumigaw ngunit wala namang lumalabas na boses sa aking bibig.  Sinubukan ko uling gumalaw ngunit di pa rin ako makagalaw.  Pinadyak ko ang dalawa kong paa ng may kalakasan.  Isa! Dalawa! Tatlo! Tatlong buweltang malakas na padyak!  Biglang lumabas ang aking lakas. Naigalaw ko na bigla ang buo kong katawan.  Minadali kong harapin ang taong ito ngunit walang akong nakita kahit na anino man lang.

Hmmmmmmmm!

Huminga ako ng malalim. Bumilis ang pagtahip ng aking dibdib. Namumuo ang takot sa aking isipan. Sinulyapan ko ang oras sa selpon, eksaktong alas-kwatro ng madaling araw.  Biglang tumahol ang mga aso. Tahol na nakakatindig balahibo. Tahol na animoy nakakita ng nakakaibang mga nilalang. Sumunod naman ang tunog ng kampana mula sa simbahan na di gaanong malayo sa bahay. Mas lalong bumilis ang pagtahip ng aking dibdib. Alam kong pinaglalaruan lang ako. Guni-guni lang ito ng aking isipan. Nilabanan ko ang aking takot. Walang maligno! Wala!

Pinikit ko ang aking mga mata. Dinilat ko uli.  Hindi ako nanaginip. Hindi ito isang panaginip lamang. Binalikan ko ang aking selpon. Wala akong nabasang MARIA MAGSAYSAY doon. Naguguluhan ako sa nangyayari. Hindi na ako naka-tulog hanggang sa pumatak ang alas-sais ng umaga.

5 comments:

  1. (nakikidasal)walang maligno, walang maligno...

    jusme matatakutin pa naman ako!

    ReplyDelete
  2. nice!

    hahah c mel,,patok sa kanya yan mga ganyang kwento. sobrang benta :D

    c u guys soon!

    ReplyDelete