Sunday, May 27, 2007

Isang Pangarap

MATAGAL ko nang pinagarap ang isang maging sikat na artista sa larangan ng showbiz. O kaya'y sabihin nating maging artista man lang. Ganoon lang siguro ang takbo ng aking utak. Wala naman akong magandang mga rason kung bakit gusto ko talagang maging isang artista. Siguro, ang "katanyagan."

Maliit pa lamang, mahilig na akong manood ng telebisyon. Kung saan-saan na lang ako napapadpad at nakikinood sa mga kapitbahay para lang mapanood ang paborito kong mga programa sa telebisyon. Hanggang sa lumaki ako, dala-dala ko pa rin sa aking isipan ang isang pangarap. Kahit sa pangarap man lang, masaya na ako. Lahat naman siguro sa atin ay may kanya-kanyang mga pangarap kaya normal lang din siguro ang nangyayari sa akin.

***

Naisipan kong pumila sa Pinoy Big Brother - Season 2(PBB) nang napanood ko ang patalastas nito sa telebisyon noong nakalipas na taon, buwan ng Abril. Isa ako sa libo-libong taong nakipagsiksikan at umaasa na baka maging isa sa mga mapalad na mapipili. Bitbit ko ang brown envelope na tila ako ay isang batang nakipagpilahan sa eskwela sa tuwing pasukan. Dala ko ang mga importanting mga papel na hinihingi ng PBB: resume, bio-data at mga larawan na ipinakuha ko lang kahapon. Hindi ko naman talaga pinagpreparahan at nagbabasakali lang ako at baka pagpalain.

Isa ako sa unang dalawang libong tao sa unahan ng kahabaan ng pila. Nakasabit pa sa aking liig ang malaking id na nakasulat doon ang 365. Nakaguhit sa aking mukha ang kasiyahan. Kitang-kita ang excitement at may lakas ng loob na tiisin ang pinakahabang pila kong naranasan upang makaabot lang sa entablado ng mga hurado. Napakatanga ko pa talaga! Nakalimutan ko man lang dalhin ang birth certificate na siyang pinaka-importanteng bagay na magpapatunay na ako ay may edad na dalawampu't apat. Nawalan tuloy ako ng lakas ng loob ngunit ipinapatuloy ko pa rin ang pagtayo sa pila kahit na gusto ko na talagang umalis sa linyang iyon. Tanggap ko naman kahit hindi ako pagpalain.

Mga ilang segundo na lamang ang makakalipas, isa na ako sa limampong taong kikilatisin at pagpipilian para sa maging isa sa mga kasambahay ni Kuya. Ni-isa sa limang tinawag na numero, wala man lang doon ang inaasahan kong maririnig, ang aking numero. Biglang nanluluya ang aking katawan pero sinikap kong mawala at lumisan sa tingin ng mga hurado at ng mga manonood na masaya at walang bahid na panghihinayang.

Nalungkot ako dahil hindi ako ang tipo na gusto ng mga hurado. Hindi naman ako nagsisisi sa mga sandaling iyon. At hindi rin nasayang ang mga oras na inilaan ko para sa PBB. Mas lalong lumakas ang aking loob at pagtingin sa aking sarili. Porket hindi ako isa mga pinalad na napili, hindi ako isang talunan. Ipinagmamalaki ko rin naman ang aking propesyon bilang isang guro. Isang guro na nangarap na maging isang tanyag sa ibang pamamaraan maliban sa pagtuturo, ang pagiging artista. Bilang isang artista, para sa akin, isa itong modelo ng kagandahan. Mapagkumbaba, mapag-unawa at higit sa lahat mapag-mahal. Hindi ako sumusukong nangangarap. Balang araw, maaabot ko rin ang matayog kong mga pangarap na minsan ayaw kong paniwalaan.

Tao lang po ako na hinahangad ang aking kaligayahan at katanyagan.

2 comments:

  1. No. 365... your out! si kinsa nga batch unta imo apilan? katong karon?

    ReplyDelete
  2. Pormalidad lang ang audition. Pili na lahat ng kasali. Maliban na lang kung sobrang gwapo mo at may lahi kang banyaga.Baka mag-dalawang isip ang mga hurado.

    ReplyDelete