Sunday, May 27, 2007

Ang Buhay*

MABILIS na nag-uunahan ang di-kalakihang mga alon sa dalampasigan na animo'y mga batang batid ang kasiyahang nakaguhit sa mga mukha nito. Patuloy ding nawawala ang kasikatan ng araw na tila'y nahihiyang dilag sa isang manliligaw. Kasabay ng mga naglulundagang puting buhangin ang masayahing hangin doon sa kahabaan ng aplaya.

Sa isang sulok na may mayabong na punong mangga, na hindi gaanong malayo sa paanan ng dagat, doon ay masayang nagkukuwentuhan ang magkasintahan. Nagkukurutan sa mga nakakatawang nakaraan. Magmula ng mga musmos pa lamang ang mga ito, hanggang sa ngayo'y binata't dalagang pinagtagpo ng tadhana na damang-dama sa mga puso ang yaong pag-ibig. Kung minsan, ayaw nilang isipin ang mga pangyayaring hindi nila dapat inaasahan. Masarap kasama ang isat-isa. Ang pag-ibig nga pala, oo.

Mahirap isiping iyon lamang ang kanilang mga nakaraan. Doon sila'y nagkamali. Sisikapin man nilang ibalik ang mga pusong noo'y lubos na nagmamahal na ngayo'y naiwaksi ng malupit na tadhana, at ngayo'y isang kaibigan na lamang ang pagtingin nila sa bawat-isa. Mahal nga ang bawat-isa, subalit ito'y pagmamahal na lang para sa isang matalik na kaibigan. At isang paglimot lamang ang maging isang solusyon at mamumulat sa panibagong panimula. Ang mga luhang puno ng alaala ay hindi mapipigilang malaglag sa mga mata na puno ng panghihinayang.

Ang buhay nga pala'y hawak ng tadhana. Huhubugin mo man ay siyang naiwawaglit din ng hindi inaasahang masamang panahon na nahihintulad sa isang sa isang daloy ng ilog na walang tamang patutunguhan. Ika nga nila'y ang buhay ay isang awit na kung minsa'y hatid nito ang kasiyahan at kung minsan nama'y hatid din nito ang kalungkutan. Iyan ang buhay ng tao! Ang buhay na punong-puno ng kahulugan.



*Ang prosang ito ay nailathala sa Silahis VOL. X No. 3, opisyal na publication ng MSU-Iligan Institute of Technology, noong January 2004.

Sa isang pagtitipon, sa mga oras na ako ay nag-iisa at nagpapahangin sa tabi ng dagat na abot-tanaw ko ang kalangitan at ang daloy ng tubig, naisulat ko ito.

1 comment:

  1. I can relate to this story..heheh! naalala ko tuloy :-(

    Nice entry...

    ReplyDelete