Thursday, May 31, 2007

Ang Pag-ibig para sa Akin

MAHIRAP iwasan ang pag-aaway ng isang magkasintahan. Ang pag-aaway ay bahagi ng isang relasyon. Ito ay nagpapatibay at nagbibigay ng lakas sa relasyon.

Kaya naiintindihan ko kung bakit palagi kaming nag-aaway. Naiintindihan ko kung bakit siya palaging nagseselos sa mga bagay na hindi dapat sana pagseselosan. Naiintindihan ko kung bakit siya nagagalit kapag hindi ako nakakauwi sa takdang oras. Naiintindihan ko kung bakit ako nagsisikap at nagsasakripisyo sa aming pagsasama.

Dahil sa kami ay NAGMAMAHALAN.

Ngunit sa bawat hindi namin pagkikibuan, dumadating din ang mga oras ng pagpapakumbaba ng bawat isa. Ang paghingi ng kapatawaran at pagpapatawad. Naiintindihan namin ang mga dinadamdam ng aming mga puso.

Ang hinahangad ko lang sana ay pag-iintindihan ng bawat isa. Ang pagpakumbaba ng bawat isa. At ang pagiging tapat ng bawat isa.

Kahit katambal palagi ang pag-aalala at pagdududa sa isang relasyon dapat talaga nating labanan ang ganitong mga kalseng pagsubok sa buhay. Walang magandang relasyon ang hindi dumadaan sa mga pagsubok. Ang marunong mag-unawa, ang marunong mag-intindi, at marunong magpakumbaba ay iyong mga taong tunay na nagmamahal. Ang mga taong tunay na nagmamahal sa bawat isa.

Ito ay ang Pag-ibig para sa akin.

Ang Pag-ibig na may halong lungkot at saya.

*Ang larawan sa artikulong ito ay gawa ni Rene Magritte na pinangalanang "The Lovers".

Tuesday, May 29, 2007

Ito ang Gusto Ko: Sarong Banggi

MAY mga bagay tayong gusto ngunit hindi naman gusto ng iba. Maaring ang maganda para sayo ay pangit pala sa iba. Ito ang mahirap sa atin, may kanya-kanya tayong pagtingin, interpretasyon, at pagkagusto sa mga bagay-bagay. Madali lang naman ang solusyon sa problemang ito, respetuhin natin at bigyang halaga ang bawat isa.

Sa musika, kapag maganda lang sa pandinig ko, okey na lang din sa akin. Kahit hindi ko man maintindihan ang lyrics ng kanta, o ang nais ipahiwatig ng bawat linya siguradong magugustuhan ko pa rin ito. Tulad ng kantang Sarong Banggi, habang pinapakingan ko ito, nakakagaan ito ng pakiramdam at nakakawala ng pagod, kaya nasabi kong gusto ko ito kahit na wala akong ideya kung ano ang ibig sabihin ng buong lyrics. Dahil lang ba siguro sa magaling ang kumanta o maganda ang tempo ng kanta?

Ang sarong banggi ay kantang Bikol na sinulat ni Potenciano B. Gregorio, Sr. ng Libon, Albay noong 1912. Paborito itong kantahin ng mga Bikolano na sinasabayan ng pagsasayaw. May madami rin itong bersyon ng kanyang lyrics.

Una kong napakinggan ang kanta sa isang independent film na "Sarong Banggi". Pinagbidahan ang pelikula nina Jackly Jose(Melba) bilang prosti at Angelo Ilagan (Nyoy) bilang isang binatilyo. Medyo hindi ko ito nagustuhan sa simula ngunit nang napakinggan ko ng buo, gusto ko na itong ulit-ulitin kahit hindi ako nakakasabay sa bawat linya ng kanta.

Heto ang buong lyrics ng kanta. Sabay tayong kantahin at damhin ang kanta kasabay din ng naririnig mong musika sa blog na ito.

***

Sarung Banggi (Standard Bikol)


Sarung banggi, sa higdaan
Nakadangog ako nin huni nin sarong gamgam
Sa loba ko katurogan
Bako kundi simong boses iyo palan

Dagos ako bangon
Si sakuyang mata iminuklat
Kaidtong kadikluman ako nangalagkalag
Si sakong paghiling pasiring sa itaas
Simong lawog nahiling ko maliwanag

***

Narito ang lyrics na isinalin sa english upang maintindihan ng buo ang kanta:

One Evening


One evening as in bed I lay
I heard a plaintive song of bird that spurns the light of day,
At first I thought it was a dream,
But soon I knew it was no dream for it was you.

And then still half asleep from my warm cozy bed I did rise,
And tried the darkness deep to pierce with my straining eyes,
Then I looked around I chanced my eyes to raise,
And saw in glorious radiance your lovely face

Sunday, May 27, 2007

Isang Pangarap

MATAGAL ko nang pinagarap ang isang maging sikat na artista sa larangan ng showbiz. O kaya'y sabihin nating maging artista man lang. Ganoon lang siguro ang takbo ng aking utak. Wala naman akong magandang mga rason kung bakit gusto ko talagang maging isang artista. Siguro, ang "katanyagan."

Maliit pa lamang, mahilig na akong manood ng telebisyon. Kung saan-saan na lang ako napapadpad at nakikinood sa mga kapitbahay para lang mapanood ang paborito kong mga programa sa telebisyon. Hanggang sa lumaki ako, dala-dala ko pa rin sa aking isipan ang isang pangarap. Kahit sa pangarap man lang, masaya na ako. Lahat naman siguro sa atin ay may kanya-kanyang mga pangarap kaya normal lang din siguro ang nangyayari sa akin.

***

Naisipan kong pumila sa Pinoy Big Brother - Season 2(PBB) nang napanood ko ang patalastas nito sa telebisyon noong nakalipas na taon, buwan ng Abril. Isa ako sa libo-libong taong nakipagsiksikan at umaasa na baka maging isa sa mga mapalad na mapipili. Bitbit ko ang brown envelope na tila ako ay isang batang nakipagpilahan sa eskwela sa tuwing pasukan. Dala ko ang mga importanting mga papel na hinihingi ng PBB: resume, bio-data at mga larawan na ipinakuha ko lang kahapon. Hindi ko naman talaga pinagpreparahan at nagbabasakali lang ako at baka pagpalain.

Isa ako sa unang dalawang libong tao sa unahan ng kahabaan ng pila. Nakasabit pa sa aking liig ang malaking id na nakasulat doon ang 365. Nakaguhit sa aking mukha ang kasiyahan. Kitang-kita ang excitement at may lakas ng loob na tiisin ang pinakahabang pila kong naranasan upang makaabot lang sa entablado ng mga hurado. Napakatanga ko pa talaga! Nakalimutan ko man lang dalhin ang birth certificate na siyang pinaka-importanteng bagay na magpapatunay na ako ay may edad na dalawampu't apat. Nawalan tuloy ako ng lakas ng loob ngunit ipinapatuloy ko pa rin ang pagtayo sa pila kahit na gusto ko na talagang umalis sa linyang iyon. Tanggap ko naman kahit hindi ako pagpalain.

Mga ilang segundo na lamang ang makakalipas, isa na ako sa limampong taong kikilatisin at pagpipilian para sa maging isa sa mga kasambahay ni Kuya. Ni-isa sa limang tinawag na numero, wala man lang doon ang inaasahan kong maririnig, ang aking numero. Biglang nanluluya ang aking katawan pero sinikap kong mawala at lumisan sa tingin ng mga hurado at ng mga manonood na masaya at walang bahid na panghihinayang.

Nalungkot ako dahil hindi ako ang tipo na gusto ng mga hurado. Hindi naman ako nagsisisi sa mga sandaling iyon. At hindi rin nasayang ang mga oras na inilaan ko para sa PBB. Mas lalong lumakas ang aking loob at pagtingin sa aking sarili. Porket hindi ako isa mga pinalad na napili, hindi ako isang talunan. Ipinagmamalaki ko rin naman ang aking propesyon bilang isang guro. Isang guro na nangarap na maging isang tanyag sa ibang pamamaraan maliban sa pagtuturo, ang pagiging artista. Bilang isang artista, para sa akin, isa itong modelo ng kagandahan. Mapagkumbaba, mapag-unawa at higit sa lahat mapag-mahal. Hindi ako sumusukong nangangarap. Balang araw, maaabot ko rin ang matayog kong mga pangarap na minsan ayaw kong paniwalaan.

Tao lang po ako na hinahangad ang aking kaligayahan at katanyagan.

Tula ng Pag-ibig

Ang tulang ito ay para sa mga taong nawawalan ng pag-asang magmahal muli. Nailathala ang tulang ito sa opisyal na publikasyon ng MSU-Iligan Institute of Technology, Silahis noon buwan ng Disyembre, taong 2003.


Dahil Sa'yo


Ayaw kong pagdudahan,
Ang bulong nitong aking puso.
Na sa bawat pintig ng aking damdamin,
Nadarama ko ang tunay na kaligayahan.

Ayaw kong isiping ako'y isang manhid,
Na noon pa ma'y bigo ako sa Pag-ibig.
Sa bawat kilos ko'y ipinapahiwatig,
Ang pagsibol ng tamis ng nakabaon kong Pag-ibig.

Takot ako, dahil sa ayaw kong masaktan muli.
Ayaw kong paglaruan na parang isang timang.
Na ngayo'y mahal ka at bukas mahal nya'y iba na.
Iiwan ka lamang pagkatapos kang pagsawaan.

Masakit ang maging biktima ng pag-ibig.
Pero ang puso ko ngayo'y sumisigaw,
"HUWAG mong pigilan ang sinasabi ng iyong damdamin.
Iyan ay Pag-ibig na syang tunay mong kaligayahan".

Puso ko'y hindi sinungaling na ibigin ka.
Masasaktan man ako sa piling mo,
Titiisin ko ang mga pagsubok na syang panimula lamang,
Na susundan ng mabungang sarap ng kaligayahan.

Ang Buhay*

MABILIS na nag-uunahan ang di-kalakihang mga alon sa dalampasigan na animo'y mga batang batid ang kasiyahang nakaguhit sa mga mukha nito. Patuloy ding nawawala ang kasikatan ng araw na tila'y nahihiyang dilag sa isang manliligaw. Kasabay ng mga naglulundagang puting buhangin ang masayahing hangin doon sa kahabaan ng aplaya.

Sa isang sulok na may mayabong na punong mangga, na hindi gaanong malayo sa paanan ng dagat, doon ay masayang nagkukuwentuhan ang magkasintahan. Nagkukurutan sa mga nakakatawang nakaraan. Magmula ng mga musmos pa lamang ang mga ito, hanggang sa ngayo'y binata't dalagang pinagtagpo ng tadhana na damang-dama sa mga puso ang yaong pag-ibig. Kung minsan, ayaw nilang isipin ang mga pangyayaring hindi nila dapat inaasahan. Masarap kasama ang isat-isa. Ang pag-ibig nga pala, oo.

Mahirap isiping iyon lamang ang kanilang mga nakaraan. Doon sila'y nagkamali. Sisikapin man nilang ibalik ang mga pusong noo'y lubos na nagmamahal na ngayo'y naiwaksi ng malupit na tadhana, at ngayo'y isang kaibigan na lamang ang pagtingin nila sa bawat-isa. Mahal nga ang bawat-isa, subalit ito'y pagmamahal na lang para sa isang matalik na kaibigan. At isang paglimot lamang ang maging isang solusyon at mamumulat sa panibagong panimula. Ang mga luhang puno ng alaala ay hindi mapipigilang malaglag sa mga mata na puno ng panghihinayang.

Ang buhay nga pala'y hawak ng tadhana. Huhubugin mo man ay siyang naiwawaglit din ng hindi inaasahang masamang panahon na nahihintulad sa isang sa isang daloy ng ilog na walang tamang patutunguhan. Ika nga nila'y ang buhay ay isang awit na kung minsa'y hatid nito ang kasiyahan at kung minsan nama'y hatid din nito ang kalungkutan. Iyan ang buhay ng tao! Ang buhay na punong-puno ng kahulugan.



*Ang prosang ito ay nailathala sa Silahis VOL. X No. 3, opisyal na publication ng MSU-Iligan Institute of Technology, noong January 2004.

Sa isang pagtitipon, sa mga oras na ako ay nag-iisa at nagpapahangin sa tabi ng dagat na abot-tanaw ko ang kalangitan at ang daloy ng tubig, naisulat ko ito.

Thursday, May 17, 2007

Kape at Sigarilyo: Sigarilyo


CHAMPION short ang una kong nalanghap na sigarilyo. Ito kasi ang pinapabili ng aking stepfather. Mura pa at lasang mahal naman. Hindi naman din ito nagpapatalo sa mga mahal na mga sigarilyo dyan.

Hindi ko maipaliwanag ng husto ang amoy ng sigarilyo. Tama bang sabihin kong masarap ito? Hindi ko pa naman natikman ito nang nagsimula akong bumibili at umuutang araw-araw sa tindahan. Kalahating piso lang ang presyo ng bawat stick. Hanggang sa simot lang naman din ako. Masarap ito sa ilong at malamig hanggang sa lalamunan.

Nang magsimula akong natutong lumalanghap at sumisimot ng sigarilyo, naging paborito ko na ito. Dumadaan pa ito sa akin ng ilang mga simot bago ko ibinibigay sa aking stepfather. Nakasanayan ko na rin araw-araw ang pag-aamoy ngunit hindi ko magawa ang manigarilyo.

Alam ko na masama ang dulot ng sigarilyo sa aking katawan. Nakakasira ito, lalong-lalo na sa baga. Ayaw ko din lang na masira ang baga ko sa walang kwentang bisyo at sinusunog ko lang ang pera ko.

***

BUWAN ng Disyembre. Bakasyon ng eskwela. Abalang-abala ang mga ka-boardmates ko sa pag-aayos ng kanilang mga gamit. Excited kasi sa unang pag-uwi sa kani-kanilang mga probinsiya.

May kalakihan ang tinitirhan kong boarding house. May tatlong palapag. Mga lalaki ang nasa unang palapag, mga babae naman sa pangalawa, at sa pangatlo ang may-ari at may dalawang room ang pinapa-upahan din doon.

Nagmula pa sa ibat-ibang probinsiya sa Mindanaw ang mga nangungupahan sa bahay. Lahat ay mga estudyante sa college. Isa na ako rito. Labing-dalawang oras ko binabyahe ang Iligan galing sa amin, Aras-asan, Surigao del Sur, sakay ang bus.

Maliban sa kanila, ako lang ang hindi abala sa pag-aayos ng mga gamit. Hindi ako magbabakasyon sa unang pagkakataon. Ito rin ang pagkakataon na mag-iisa ako sa malaking bahay. Mahirap lang kasi ang pamilya ko. Kaya hindi man lang masustentohan ang aking pamasahe. Sanay na rin ako na malayo sa aking mga magulang kaya hindi ko man lang nararamdaman ang pagka-ulila, pagkabahala at pag-alala. Isang malaking pagsubok na rin ito para sa akin.

May walong silid ang unang palapag ng bahay. May tig-apat na silid sa magkabilang bahagi ng pasilyo. Pagpasok na pagpasok mo sa entrada, matatagpuan mo sa pang-apat sa kaliwa ang aking silid. Walo kami sa iisang silid. May apat na double-deck at sa itaas ng pangalawang deck ang aking puwesto.

Mahigit sampung araw ko sinosolo ang buong palapag. At kung minsan, pumapasok sa aking isipan ang mga estoryang tungkol sa namatay na may-ari sa lugar. Nagpaparamdam daw ito at kung minsan naman ay nagpapakita sa mga boarders. Sino ba naman ang hindi takot sa multo, aber? Hindi ko inisip ang mga ganoong kwento ngunit nangungutya pa rin ito sa aking isipan.

Ayaw kong matulog gabi-gabi. Gusto kong nakamulat palagi ang aking mga mata. At dapat alerto ako sa lahat ng mga oras at nagmamatyag sa mga kasintabing mga silid. Nahihirapan ako sa sitwasyon ngunit wala akong magagawa.

Isang pakete ng sigarilyo binili ko isang hapon. Naisip ko lang kasi na siya ang magiging lunas sa aking pag-iisa gabi-gabi. Ito ang pagkakataon na ako ay maninigarilyo katulad ng mga taong naging bisyo na rin ang paninigarilyo.

Bawat gabi, nakahanda na ang isang pakete ng sigarilyo kasama ang panindi ko rito. Bawat stick nito ay kapiling ko sa mga oras ng aking pagmamanman. Nakasanayan ko na rin makasama ang sigarilyo. Masaya ako sa bawat paghithit ko rito. Nawawala ang kaba at takot na nararamdaman ko. Isang siyang kaibigan na handang dumamay sa oras ng iyong pag-iisa.

Hindi naman masama ang paninigarilyo. Isa itong kaibigan. Tawagin mo siya kapag ikaw ay nag-iisa at walang maka-usap.

Hindi ko naman inaabuso ang paninigarilyo. Katulod din ng isang tunay na kaibigan, handa siyang nandoon para sa iyo sa tuwing nangangailan ka ng tulong ngunit huwag mo lang abusohin ang kanyang kabutihan at kabaitan.

Ito ang kwento ng aking paninigarilyo.

Wednesday, May 16, 2007

Kape at Sigarilyo: Kape

NAGING paborito ko na ang kape sa umaga. Maliit pa lamang ako, kape lang ang pwede kong timplahin sa kusina. Malimit kasi ang ina ko sa pagbili ng gatas. Dahil sa mahal daw ang gatas at dagdag gastos din lang sa pangaraw-araw na budget.


Mahirap lang kasi kami. Payak lang ang pamumuhay. Tamang-tama lang na makakain ng tatlong beses sa isang araw. At tamang-tama lang din ang kinikita ng aking stepfather. Sapat lang na maipag-aral, mabihisan, at mapakain kami at ng aking ina. May dalawang supling na ang ina ko nang mag-asawa ito sa aking stepfather. Isang binatang umibig sa may dalawang anak.

Dalawa lang kaming magkapatid. Isang lalaki at isang babae. At ako ang panganay. Hindi naman kami nagkulang sa pangangalaga ng naging pangalawang ama namin. Itinuturing pa rin kaming kanyang mga totoong anak. Maliit pa kasi kami nang iniwan ng aking ina ang aking ama dahil sa dami nitong luho sa buhay. Isa na dito ang pambabae na ayaw talaga matangap ng aking ina. Five years old ako. At three years old ang nakakabata kong babaeng kapatid.

Sa edad na 7, kabisado ko na ang mga gawaing pambahay. Lalong-lalo na ang paghahanda ng agahan sa araw-araw. Maaga akong gumigising nong grade one pa lang ako. Bago ako maliligo sa balong lalakarin ko pa ng mga kalahating kilometrong layo, sinsaing ko muna ang bigas at inihahanda ang ulam na maging pares nito. Tulog pa lang ang ina na ginigising ko para hingin ang baon ko.

Kung minsan naman, naiingit ako sa mga kaklase ko noon sa grade one. Maiingay at nagliksihang nag-uunahan sa Canteen sa tuwing tumutunog na ang bell pag Recess. Ngunit para akong isang pulubing bata na hinihantay ang mga alok nila para makapag-snack. Dinadaan ko na lang sa iyak ang inggit ko sa kanila. Isang umaga, napansin akong umiiyak ng adviser ko, at binigyan nya na lang ako ng babana cue.

Masaya naman ang elementary days ko. Madalas akong makatuntong ng stage sa tuwing graduation day. First Honor nga ako noong grade one. Dahil sa minsan na pag-aaway ng aking mga magulang, nailipat tuloy ako sa ibang school pagkagrade-two. Consistent honor student naman ako kahit may mga `favors` pa noon mula grade one hanggang grade five. Dumating din ang mga panahon na nalungkot ako dahil nailipat ako sa huling section pagkagrade-six at hindi na rin nabigyan ng honor.

Pinakamasarap ang kape para sa akin. At naging espesyal na inumin din ito para sa akin. Ito na rin ang naging dahilan kung bakit hindi ako mahilig sa gatas. Nasusuka ako dito. Karamay ko ang kape sa tuwing malungkot ako. Sa tuwing nagugutum at walang makakain. At lalong-lalo na sa tuwing may problema ako. Naging close friend ko ang kape. Napaka-loyal ako dito. Agahan, tanghalian, at hapunan, siya ang palagi kong kausap at kasama. Para na rin kaming magkakapatid. Medyo maitim kasi ako. Hindi ko man lang sya maiwan-iwan. Hanggang pa rin sa ngayon, parating may laman ang garapon ko ng kape. Dahil sa anumang oras, andyan siya para sa akin. Hindi sya nang-iiwan at handa siyang dumamay sa akin.

Subukan nyong tikman at mahalin ang kape. Sigurado akong magiging masaya, malakas, at puno ng purong pagmamahal ang buhay mo.

Salamat sayo kape.

Ang Panimula

"Ako ay isang simpleng tao lamang na may simpleng pangarap, naghahangad ng simpleng buhay, at ..."


MATAGAL ko nang ginawa ang blog na ito. Mga ilang araw na rin ang nakalipas. Oo, aaminin ko, nahihirapan akong magsimula. Hinihintay ko lang siguro ang tamang panahon at takdang oras sa paghabi ng una kong artikulo. At heto na ako, inisa-isa ko na ang pagtipa ng bawat titik, bawat salita, bawat pangungusap, bawat talata at ng buong mensahi ng aking damdamin at isipan.

Tawagin nyo na akong Blink (ipinangalan ni Arnold Alguno na isa sa mga nag-adopt sa akin sa Rizalda apartment na nagtapos ng doctoral degree sa Japan at doon na rin nagtuturo. Ang Blink ay hango rin sa tanyag na cartoon series na ipinalabas sa ABS-CBN) . O di kaya'y Rizal(tinawag nila akong Rizal dahil sa kahawig ko daw ang hair style ni Dr. Jose Rizal at syempre hindi lang sa hawig, at dahil din sa katalinuhan nito). Ornis (a greek word meaning bird or chicken which signifies liberty for me; nick ko mIRC; at tawag ng mga chatters noong ako pa'y nagkainteres sa chat bilang isang channel operator at gumawa na rin ng aking sariling channel na #metro-iligan sa Undernet server ng mIRC). `Indian Boy` (tawag naman ng classmate ko na Muslim sa Rizal subject noong summer ng 2002). Cyrus (ito ang tatak kong pangalan na ipinangalan sa akin after King Cyrus ng King of Kings sa Bibliya ng Christian). O kung anu-ano pa ang gusto nyong itawag at idagdag na rin sa koleksyon ng aking pangalan. Sanay na rin ako sa mga taong nagagawan ako ng ibat-ibang katauhan na palayaw. Ewan ko nga naman kung bakit ganoon ang pagdadamdam nila para sa akin bilang isang mabait, palatawa, at sincere na kaibigan.

Isa akong ordinaryong probinsyano galing sa Surigao del Sur. Pinahalagahan ang edukasyon at nag-aral sa malayong lugar. Isang DOST (Department of Science and Technology) skolar ng bayan na pabaya at walang determinasyon. Ngunit nagsikap at nagtapos ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Science in Computer Science sa isang marangal na university sa Mindanao. Ni isa man lang sa mga laudes (Summa, Magna o Cum) ay hindi ko natamo ngunit tumangap naman ako ng dalawang major awards sa aming College (School of Computer Studies) na parang ayaw kong tanggapin. Pause and Smile. May edad na dalawampu't lima. May trabaho at kasalukuyang lubos na umiibig.

Maraming beses na ako umibig. At maraming bisis na rin akong nasaktan. At paulit-ulit ko na ring sinabi ang mga katagang, "Ayaw ko nang umibig.", "Ayaw ko nang masaktan.", "Ayaw ko nang umasa sa wala.", "Ayaw ko nang magpaka-martyr.", at "Ayaw ko nang ulit-ulitin pa ang mga pangyayari."

Ngunit heto pa rin ngayon. Binabalot ng pagmamahal.

Sabi nga ng mga close friends ko, "Is that a Love or Lust?!"

"Sino na naman ba 'yan?"

"Pang-ilan na ba yan Cy?"

Naiinis ako sa kanila. Gusto ko silang sapakin, suntukin at tadyakan. Gusto ko ring sumigaw at ipamukha sa kanila na "Ako ay tao lamang at umiibig na hindi ko sinasadya. Kasalanan ko ba ang umibig at iiwan na lamang palagi pagkatapos gamitin at pagsawaan?"

Masakit sa panig ko kasi dahil ibinibigay ko ang lahat ng parti ng aking puso. Ginagawa ko naman ang lahat upang suklian ako ng tunay at wagas na pag-ibig. At handang magsakripisyo habang buhay na walang pagsisisi.

Bakit ba hindi kuntinto ang tao sa isang lasa? Kailangan bang madami kami para matikman nya kung gaano kasarap at katamis ang iba kaysa sa iyo? At pipiliin nya ang mas masarap pagkatapos nyang tikman? O kayay, tuturuan nya na lang na mahalin ang kasalukuyang patay na patay naman na umiibig sa kanya?

Dahil ba na hindi ako gwapo? Nakakadiri at nakakasawa na ba akong tingnan kaysa sa iba? Wala na ba akong karapatan na mamahalin ng lubosan?

Hinahanap ko lang ang taong lubos na magmamahal sa akin. Tapat. Tunay. Handang ipaglaban at aalagaan ako. At higit sa lahat ang hindi plastic. Masakit kasi ang umasa sa wala. At masakit din ang iiwan na dala nya ang buo mong damdamin na tunay mong inilaan para sa kanya habang buhay.

Baliw at kulang ako sa Pag-ibig.

Kasalukuyan, ako ay nagmamahal ng buo. Masaya. Ginagawa at Ibinibigay ang lahat ng sa akin. Nagsisikap at magsisiskap; at nagsasakripisyo at magsasakripisyo para sa kabutihan, kaligayahan, kasaganaan ng aming kinabukasan.

At sana, ganun din sya.


"Mahal na mahal kita."